Pinag-aaralan ng Department of Transportation (DOTr) ang posibilidad nang paniningil ng toll fee sa mga motoristang dumadaan sa EDSA.
Ang hakbang, ayon kay DOTr Consultant Alberto Suansing, ay makakatulong na mapagaan ang trapiko sa EDSA at makadagdag na rin ng kita sa gobyerno.
Sinabi ni Suansing na gagamitan ng Radio Frequency Identification (RFID) technology ang paniningil ng toll fee sa EDSA na iisang halaga lamang aniya.
Binigyang diin ni Suansing na tanging ang go-signal lamang ng Metro Manila mayors at hindi ng kongreso ang kakailanganin para maikasa ang toll fee sa EDSA na tina-target gawin sa susunod na taon.
Nilinaw din ni Suansing sa panayam ng DWIZ, na hindi pa naman ipatutupad ang naturang panukala sa ngayon dahil kinakailangan pang ayusin ang public transport system sa bansa.
Hindi ‘yan mangyayari bukas, kasi inaayos pa natin ang public transport system,” ani Suansing sa panayam ng DWIZ.