Laglag sa kamay ng mga awtoridad ang lider ng isang armadong grupo na sangkot sa mga insidente ng pangangamkam ng lupain sa Timog katagalugan at 2 kasabwat nito.
Matapos iyan ng search warrant operation na ikinasa ng mga tauhan ng CIDG sa Sitio Bulak, Barangay San Isidro, Rodriguez Rizal.
Kinilala ni CIDG Dir. P/BGen. Albert Ferro ang mga naaresto na sina Rodelio Caballes, pinuno ng kilabot na “Caballes Armed Group” at 2 kasama nito na sina Gideon Mark Exito at Ruben Palioc.
Nakuha mula sa kanila ang iba’t iba at matataas na kalibre ng mga armas gayundin ang mga bala nito, mga bag at iba’t ibang Identification o ID cards.
Ayon kay Ferro, sangkot ang grupo ni Caballes sa pangangamkam ng lupain sa Rodriguez Rizal at bahagi rin siya ng “Rodriguez Land Grabbing Group” na nag ooperate naman sa buong CALABARZON at MIMAROPA regions.
Kasalukuyan nang inihahanda ng mga Pulis ang patumpatong na kaso laban sa 3, partikular na ang paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Law) at RA 9516 (Illegal Possession of Explosives).— ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)