Nagkainitan sina Buhay Partylist Rep. Lito Atienza at Cavite Rep. Elpidio Barzaga na siya ring Chairman ng House Committee on Natural Resources.
Ito’y kasunod ng pagtalakay ng Kamara sa isinusulong na Substitute Bill na ideklara nang protected area ang bahagi ng Philippine Rise na kilala dati bilang Benham Rise.
Giit ni Atienza na tutol sa panukala, hindi na kailangan ng batas para rito dahil naniniwala siyang makapagpapahina lamang ang naturang hakbang sa claim ng Pilipinas sa nabanggit na teritoryo.
Pero depensa ni Barzaga, sapat ang mga ginawa nilang pagtalakay sa usapin partikular na sa mga isinagawa nilang pagpupulong ng technical working group hinggil dito.
Subalit sa kabila ng mainit na pagtatalo nila Atienza at Barzaga na nauwi pa sa paglalagay nito ng blood pressure monitor sa mga mambabatas, inaprubahan pa rin ng komite ang Substitute Bill.