Inihain na ni Senator Risa Hontiveros ang substitute bill para sa panukalang tutugon sa lumalaganap na teenage pregnancy sa bansa.
Sa substitute bill para sa Senate Bill 1979 o ang Prevention of Adolescent Pregnancy Bill, inalis ang katagang “Guided by international standards” at nilinaw din dito na ang adolescents ay mga kabataang edad 10 hanggang 19 na taong gulang.
Sa nasabing edad lamang din ituturo ang Comprehensive Sexuality Education na siyang tutugon sa problema ng teenage pregnancy bilang health issue sa mga batang ina at sa kanilang mga sanggol.
Ang CSE ay isasa rin sa mga umiiral na programa ng DSWD, DEPED, DOH, at ito rin ay tatalakayin sa mga magulang sa mga PTA meeting.
Nakasaad din sa panukala ang pagbibigay ng social protection at serbisyo para sa pangangalaga sa kalusugan ng mga kapapanganak lamang na batang ina at mga bagong silang na sanggol.
Matatandaang pitong Senador ang bumawi ng kanilang pirma sa Committee report ng Senate 1979 sa harap ng mga grupo na kumukwestyun, tumututol at nababahala sa ilang probisyon na nilalaman ng naturang panukalang batas. – Sa panulat ni John Riz Calata