Tumanggi munang isapubliko ng pamilya Batocabe ang kandidatong ipapalit sa kanilang napatay na haligi na si AKO Bicol Rep. Rodel Batocabe.
Ayon kay Atty. Justin Batocabe, anak ng napaslang na mambabatas, maliban sa nagluluksa pa sila sa sinapit ng kaniyang ama, nababahala rin aniya sila sa seguridad ng ipapalit nilang kandidato sa pagka- alkalde ng bayan ng Daraga sa Albay.
Binigyang diin ng nakababatang Batocabe na nababahala rin sila na baka iyon ang sumunod na target ng mga masasamang elemento kapag isiniwalat na nila ito sa publiko.
Una rito, sinabi rin ni Atty. Justin na hinihimok din ang kaniyang ina na si Ginang Gerti Duran – Batocabe para humalili sa kaniyang ama salig sa umiiral na election law.
Nakasaad kasi sa batas na tanging ang may kaparehong apeliyedo lamang ng nasawing kandidato ang maaaring pumalit sa kaniya, ibig sabihin ay posibleng mula ito sa kaniyang immediate family at mga kaanak.