Hinarang ng mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA ang isang 19 anyos na Sudanese national.
Ito’y matapos magpumilit pa ring sumakay ng eroplano ang nasabing banyaga kahit pa nagpositibo ito sa COVID-19 batay sa resulta ng kaniyang RT-PCR o swab test.
Nangyari ang insidente kagabi kung saan papasakay na sana ng ethiopian arilines flight 84645 patungong Bangkok, Thailand ang banyagang si Abdel-Khalig Mohammed Mirgani Azrag nang harangin ito ng mga awtoridad.
Ayon kay Pat. Jason Patrimonio, duty investigator ng pnp aviation security group, natuklasang nagpositibo sa COVID-19 si Azrag nang makita ang RT-PCR test nito habang nagcheck in, dahilan upang pigilan ito.
Naka-isolate na ngayon ang nasabing banyaga habang isinailalim naman sa mandatory quarantine ang mga tauhan ng check in counter ng paliparan bilang bahagi na rin ng kanilang kaligtasan.—ulat mula kay Raoul Esperas (Patrol 45)