Kinumpirma ni DILG o Department of Interior and Local Government Secretary Mike Sueno na nakausap na niya si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa inirereklamo niyang tatlong (3) undersecretary ng ahensya na una nang nag-akusa sa kanya ng korapsyon.
Sa panayam ng programang “Ratsada Balita”, sinabi ng Kalihim na bagamat inirekomenda niya na masibak sa puwesto sina DILG Undersecretaries John Castriciones, Jesus Hinlo at Emilie Padilla, wala aniya siyang kakayahan na i-terminate ang mga nabanggit na opisyal dahil itinalaga ito ng Pangulo.
Sina Castriciones, Hinlo at Padilla ay pawang miyembro ng MRRD-NECC o Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Council Committee na nagkampanya noon sa Punong Ehekutibo noong May 2016 Presidential Elections.
“Ang sabi ko Mayor ayokong bigyan kita ng maraming problema, i-solve ko na lang itong problema sa department at my level pero hindi ko na matiis ang ginagawa nila, so hindi ito sang-ayon sa drive natin on anti-corruption, sabi ko I will just remove responsibilities from them, depende na yan sayo kasi kayo naman ang nag-appoint, I cannot terminate them, kayo po.” Ani Sueno
Ibinunyag din ni Sueno na isinusulong ng tatlo na mapatalsik siya sa puwesto at ang ipapalit sa kanya sa DILG ay si TESDA Director General Guiling Mamondiong.
Si Mamondiong ang nagrekomenda kina Castriciones, Hinlo at Padilla para makapasok sa DILG.
“Yun pala yung tatlo na yun baka may plano sila, dahil siguro hindi ako abogado, sila mga abogado, even DG Mamondiong is a lawyer, lahat sila, ako taga-Mindanao lang po ako eh, lalo na taga-Cotabato pa, baka sabi nila baka hindi ito qualified, na inefficient daw ako.” Pahayag ni Sueno
By Meann Tanbio | Ratsada Balita (Interview)