Nagtataka ang ilang sugar producers sa rekomendasyong mag-angkat ng karagdagang 64,000 metric tons ng asukal ngayong “full swing” na ang milling season.
Binigyang-diin ni National Federation of Sugar Workers (NSFW) Secretary General John Milton “Butch” Lozande na sa Marso o Abril dapat mag-angkat o panahon kung saan malalaman ang eksaktong dami ng produksyon.
Ayon kay Lozande, nagkaroon na ng dalawang bugso ng importasyon ngayong taon bukod pa sa halos 3.8-M metric tons na local production na dapat ay sapat para sa mahigit 2-M metric tons ng consumption kada taon.
Ipinunto naman ng Department of Agriculture na mataas ang presyo ng asukal, kulang ang supply at para mapababa ito ay importasyon ang sagot ng gobyerno.
Gayunman, nagtataka si Lozande at hinihinala nilang mayroong manipulasyon sa supply at presyo ng asukal dahil nagmura na ito noong Oktubre subalit tumaas muli noong Nobyembre hanggang pagpasok nitong Disyembre.
Para anya sa kanilang mga producer ay dapat nagsisimula nang bumaba ang presyo lalo’t nagpapatuloy ang gilingan na pasok sa peak season ng milling ngayong buwan hanggang Pebrero.
Iginiit ng NSFW na kung tutuusin ay wala pang dapat ikabahala pagdating sa supply dahil lahat ng mills sa buong bansa ay operational.
Samantala, iminungkahi ni Lozande na para maibsan ang epekto ng mataas na inflation ay pansamantalang tanggalin ang VAT sa basic goods, gaya ng asukal at magtakda ng price cap sa halip na mag-angkat na naman.