Tinutulan ng sugar producers group na United Sugar Producers Federation (UNIFED) ang rekomendasyon ng Department of Agriculture na mag-aangkat muli ng asukal.
Ayon kay UNIFED President Manuel Lamata, sobra-sobra sa ngayon ang suplay ng asukal dahil nagpapatuloy ang anihan.
Ang tunay anyang problema ay mataas na presyo ng asukal at pagpapatupad ng suggested retail price.
Ipinunto ni lamata na binibili sa kanila ng P60 ang kada kilo ng asukal pero P100 na ito pagdating sa ibang lugar, partikular sa Metro Manila.
Idinagdag ng UNIFED na nasa 1-M metric tons ng asukal ang inaasahan nilang ma-po-produce hanggang matapos ang milling season sa Abril.
Una nang inilabas ang Memorandum Order Circular no. 77 na nilagdaan ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban na nagrerekomenda sa Minimum Access Volume (MAV) Advisory Council na agarang mag-angkat ng 64,050 metric tons ng refined sugar.
Nakasaad din sa kautusan na labis na nangangamba si Pangulong Bongbong Marcos sa mataas na inflation rate at naitalang taunang pagtaas ng inflation para sa mga sugar, confectionery at dessert products na umabot sa 38%.