Nananawagan na ng tulong sa pamahalaan ang United Sugar Producers Federation (UNIFED) sa gitna ng patuloy na pagbaba ng presyo ng asukal na naka-aapekto na sa mga sugar producer, lalo na sa mga maliliit na magtutubo.
Ayon kay UNIFED President Manuel Lamata, umaasa silang matutugunan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang kinahaharap ngayon ng mga sugar farmer.
Sa nakalipas anyang dalawang linggo, bumaba sa 2,300 hanggang 2,500 pesos ang presyo ng asukal kada bag sa negros at bukidnon kumpara sa 3,200 pesos noong isang taon.
Iginiit ni Lamata na nakababahala na ito para sa sugar farmers dahil mas mababa rin ang mill gate price ngayon kumpara sa kanilang production costs.
Wala rin aniyang pagbabago sa retail price ng asukal na nakapako sa 80 hanggang 85 pesos kada kilo, dahilan kaya’t wala nang kinikita ang mga magsasaka.
Problema rin para sa UNIFED ang pagtaas sa presyo ng krudo at fertilizer kaya’t dapat nang matulungan ang industriya upang hindi tuluyang malugi.