Inalmahan ng Malakanyang ang panawagang buwagin na ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Magugunitang nanawagan si Senador Joel Villanueva na buwagin na lamang ang IATF dahil palpak umano ito laban sa pandemya sa halip ay hayaan na lamang ang l.g.u. na manguna sa COVID-19 response.
Iginiit ni Presidential Spokesman Harry Roque na kung hindi dahil sa ITAF ay hindi magagawa ng bansa na mailayo ang maraming mamamayan sa kamatayang dulot ng COVID-19.
Bagaman hindi anya perpekto ang IATF, lumilikha naman ito mga polisiya na epektibong ginagamit ng pamahalaan upang tugunan ang health crisis.
Dagdag pa ni Roque, kung walang IATF ay walang naging desisyon ang pamahalaan sa pagbili sa COVID-19 vaccine para sa lahat ng mamamayan.—sa panulat ni Drew Nacino