Nakatakdang bumuo ng advisory ang Department of Labor and Employment hinggil sa mungkahing pagpapatupad ng mga paghihigpit sa mga empleyadong hindi pa bakunado kontra COVID-19.
Ito ang inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III, mayroong magandang punto ang nasabing suhestyon lalo na’t para ito sa kapakanan at kaligtasan ng lahat.
Ngunit kailangan aniya ito pag-aralan mabuti dahil posibleng magkaroon ng diskriminasyon sa mga hindi pa bakunadong indibidwal.
Maliban dito, sinabi ni Bello na maaari ring irekomenda sa pangulo na magamit nito ang kanyang emergency powers para obligahin ang pagbabakuna pero kailangan ikonsidera kung mayroong sapat na supply ng bakuna ang bansa.
Samantala, nakatakda namang magpatawag ng tripartite meeting si Bello kasama ang mga grupo ng mga manggagagawa ukol sa mungkahing ito.