Tiniyak ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na magiging patas ang imbestigasyon ng NBI hinggil sa napaulat na suhulan sa Bureau of Immigration na kinasasangkutan ng kanyang mga ka-brod.
Sina Deputy Commissioners Al Argosino at Mike Robles ay mga kasamahan ni Aguirre sa Lex Talionis Fraternitas sa San Beda College of Law na nauna ng umaming tumanggap ng P30-Milyon mula sa kampo ng negosyanteng si Jack Lam.
Pero, palusot ng mga nabanggit na opisyal na gagamitin nila itong ebidensya laban sa kampo ni Lam.
Kaugnay nito, umapela si Aguirre sa publiko na huwag siyang husgahan dahil tinitiyak niya na siya ay magiging patas kahit pa mga ka-brod niya ang mga iniimbestigahan.
Sa katunayan, ayon sa kalihim, inirekomenda na niya kay Pangulong Rodrigo Duterte na masibak sa pwesto sina Argosino at Robles.
By: Meann Tanbio / Bert Mozo