Ikinalugod ng ilang mga mambabatas ang ganap nang pagsasabatas sa Mental Health Bill.
Ayon kay Akbayan Party-list Representative Tom Villarin, maituturing na magandang balita ang ginawang paglagda ni Pangulong Duterte sa nasabing batas.
Ipinakikita aniya nito na pinahahalagahan ng pamahalaan ang pagkakaroon ng holistic mental health care para sa lahat anuman ang estado sa buhay.
Umaasa naman si House Deputy Speaker Miro Quimbo na magiging daan ang Mental Health Act para mapigilan ang mga kaso ng pagpapatiwakal sa bansa.
Gayunman aminado rin ang mambabatas na marami pang dapat gawin ang pamahalaan, advocacy groups at iba pang stakeholders para matiyak ang mahigpit at epektibong pagpapatupad nito.
Sinabi naman ni Bayan Muna Party-list Representative Carlos Zarate na napapanahon ang pagsasabatas dito lalo’t naiulat ang mga pinakabagong kaso ng depresyon at suicide sa ilang mga kilalang personalidad tulad nina Anthony Bourdain at Kate Spade.
Dagdag ni Zarate, bagamat marami pang dapat ayusin sa nasabing batas, mahalaga pa ring nabigyan na ng pansin at kinilala na ang pangangailangan sa mental health ng bawat Pilipino.
Senate
Ikinatuwa din ng mga senador ang ganap na pagsasabatas sa Mental Health Act.
Ayon kay Hontiveros, isa sa mga author at nag-sponsor sa Mental Health Act, magbibigay daan ang nasabing batas para maisama na sa general health care system sa bansa ang mental health care.
Dagdag ni Hontiveros, sa pagsasabatas ng Mental Health Act, wala nang Pilipino ang patagong magdudusa sa kadiliman at magiging bukas na rin ang usapin hinggil sa problema sa mental health.
Pinatitiyak naman ni Senate President Vicente Sotto III na siyang main author ng Mental Health Act sa Department of Health ang agarang pagpapatupad ng nasabing batas na makatutulong sa kaso ng mga nagpapatiwakal sa bansa.
Samantala, nais naman ni Senate Commitee on Health Chairman JV Ejercito ang mapalawak pa ang coverage ng PhilHealth sa mga pasyenteng nangangailangan ng mental health care.
Habang umaasa naman si Senador Sonny Angara na makatutulong ang nasabing batas na maalis na ang stigma sa mental health illness at agad na makahingi ng propesyunal na tulong ang mga Pilipinong dumaranas nito.
Batay sa ipinalabas na kopya ng Malacañang, nilagdaan ng Pangulo ang nasabing batas noong Hunyo 20, isang araw bago ito mapaso.
Layon ng Mental Health Act ang mabigyan ng sapat na atensyon at maprotekatahan ang karapatan ng mga Pilipinong may pangangailangang psychiatric, neurologic at psychological.
Nakapaloob din dito ang pagkakaroon ng mabilis, abot kaya at pantay na tulong medikal para sa mga dumaranas ng problema sa mental health.
Dahil din dito, isasama na sa basic health services ang mental health kung saan inaatasan ang lahat ng mga ospital na maglaan ng unit para lamang sa mga pasyenteng may mental health problem.
Gayundin ang pagbuo ng bawat lokal na pamahalaan ng kanilang mental health program na layuning maabot ang mga pasyente hanggang sa barangay level.
(May Ulat ni Cely Bueno)