Binawi na ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Filemon Santos Jr. ang kanyang sulat kay Chinese Ambassador Huang Xilian na naglalaman ng kahilingan niyang makabili ng pinaniniwalang gamot sa COVID-19 mula sa China.
Ito ang inihayag ni AFP Spokesman Brigadier General Edgard Arevalo makaraan namang patotohanan ang kumalat kopya ng nabanggit na sulat.
Ayon kay Arevalo, agad na binawi ni Santos ang kanyang sulat matapos nitong malaman na hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang pag-inom sa gamot na carrimycin tablet.
Kasabay nito, idinepensa ni Arevalo si Santos kung saan sa kanilang palagay ay “in good faith” ang ginawa nitong pagliham sa gobyerno ng China.
Paliwanag ni Arevalo, naniniwala ang AFP Chief of staff na nakatulong sa kanya para gumaling mula sa COVID-19 ang nabanggit na gamot kaya nais niya ring tumulong at ibahagi ang kanyang karanasan sa mga kaibigan niya. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)