Ayaw pang magsalita ng mga awtoridad sa posibilidad na may kamay ang ISIS sa naganap na pagpapasabog sa Isulan, Sultan Kudarat na ikinasawi ng dalawa katao at ikinasugat ng mahigit tatlumpu katao.
Ito ayon kay Supt. Celestino David, hepe ng Isulan PNP ay dahil wala pa silang nakukuhang ebidensyang mag-uugnay sa ISIS sa nasabing insidente.
Sinabi naman ni Captain Arvin Encinas, Commander ng 6th Infantry Division ng Philippine Army na posibleng target ng nasabing pag-atake ang security forces na nakatutok sa Hamungaya Festival.
Tinitiyak aniya nila ang pinaigting na seguridad matapos ang insidente na hindi na mauulit.
Samantala, inako ng teroristang grupong ISIS o Islamic State of Iraq and Syria ang responsibilidad sa nangyaring pagsabog sa Sultan Kudarat.
Batay sa Site Intelligence Group, inako ng mga kaanib ng ISIS sa Silangang Asya ang nangyaring pambobomba sa Isulan Sultan Kudarat kung saan target umano nito ang mga sundalo.
Nangyari ang pagsabog dakong alas-8:30 kagabi.
Ayon sa Provincial Director ng Sultan Kudarat, inilagay ang IED o improvised explosive device sa isang motorsiklo sa harapan ng tindahan ng ukay-ukay sa gitna ng pagdiriwang ng kapistahan ang bayan ng Isulan.
By Krista de Dios / Judith Estrada-Larino