Humingi na ng tulong ang provincial government ng Sulu sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) upang mapigilan ang pagpasok ng new COVID-19 strain sa kanilang lalawigan kasunod ng ulat na nakapagtala na ng kaso ng new variant sa kalapit nitong lugar na Sabah, sakop ng bansang Malaysia.
Sa ipinatawag na post-Christmas meeting na ipinatawag kagabi ni Pang. Duterte, sinabi nito, na inatasan na ni Sulu Governor Abdusakur Tan at ang kanyang mga staff na makipag-ugnayan na sa task force hinggil sa mga kinakailangang ipatupad upang hindi makapasok sa bansa ang new variant ng virus mula Sabah, na napakalapit lamang sa Sulu.
Tiniyak naman ng Punong Ehekutibo na ibibigay ng national government ang tulong na kinakailangan ng lokal na pamahalaan ng Sulu para masigurong maayos na maipatutupad ang mga safeguards at preemptive measures doon.
Kaugnay nito, inihayag ng Pangulo na una nang nanawagan ang Sulu task force COVID-19 sa publiko na manatiling kalmado at sumunod sa mga advisory na magmumula sa mga opisyal ng gobyerno.