Ipinadala ng PCG o Philippine Coast Guard ang kanilang environmental protection unit, safety inspector, rescue personnel at medical team sa Talisay, Cebu matapos mapaulat ang pagsadsad ng isang dayuhang cargo vessel sa lugar.
Batay sa impormasyon mula sa PCG – Cebu, sumadsad sa mababaw na bahagi ng karagatang malapit sa Lauis Ledge Light House ang MV Arikun na may sakay na 18 tripulante.
Lulan din nito ang mahigit 4,000 tonelada ng trigo at mayroong mahigit 280,000 litro ng krudo.
Patungo sanang Cebu International Port ang nasabing barko bago ito sumadsad.
Ayon kay Coast Guard District Central Visayas Commander, Commodore Ronie Gil Gavan, wala pa silang nakikitang tumagas na krudo mula sa sumadsad na cargo vessel habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.