Inilunsad ng Department of Transportation (DOTr) ang isang digital chatbot hotline kung saan maaaring i-report ang mga sasakyang lumalabag sa batas trapiko.
Katuwang ang Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT), pinangunahan ni Transportation Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Tim Orbos ang paglulunsad ng nasabing chatbot hotline na tinawag na “Sumbong Bulok, Sumbong Usok” sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa lungsod ng Quezon.
Sinabi ni Orbos na madali lamang ma-access ang SBSU Chatbot hotline na makikita sa I-ACT Facebook Page kung saan pwedeng iparating ng publiko ang mga nakikitang smoke-belchers na sasakyan, colorum na PUV’S, mga iligal na nagpapark at iba pang paglabag sa batas trapiko.
Nakikita din umano nilang magiging epektibong paraan ito para makarating sa mga otoridad ang sumbong o reklamo ng mga social media users dahil madali silang makakapag-post ng video o picture na isa rin maituturing na ebidensya.
Hinimok naman ni LTO Chief Edgar Galvante ang publiko na gamitin ang naturang hotline upang mas magkaroon na ng disiplina at kaayusan sa kakalsadahan sa bansa.
RPE