Muling kukunin ng pamahalaan ang serbisyo ng Sumitomo Corporation bilang maintenance provider ng Metro Rail Transit o MRT- Line 3.
Batay sa inilabas na pahayag ng Department of Transportation o DOTr nagpapatuloy ang ‘high-level discussions’ ng gobyerno sa Japan upang bigyang-daan ang pagpasok ng Sumitomo Corporation at technical partner nito na Mitsubishi Heavy Industries para mag-maintain sa MRT.
Magaganap ito sa ilalim ng G2G o government to government agreement o sa pagitan ng gobyerno ng Japan at Pilipinas, at inaasahang mapipirmahan bago matapos ang taon.
Kabilang sa kontrata ang ‘rehabilitation’ at ‘restoration’ ng sistema sa orihinal nitong performance standards ng MRT at inaasahang tatagal ito ng hanggang tatlong taon.
Matatandaang ang Sumitomo at Mitsubishi heavy ang nag-disenyo, nagtayo at nag-mentina ng MRT-3 sa unang labindalawang (12) taong operasyon nito.
Nauna rito, tinerminate ng DOTr ang kanilang kontrata sa Busan Universal Rail Incorporated o BURI dahil sa kabiguan nito na masolusyunan ang mga problema sa MRT-3.
—-