Maaari nang makapasyal ang mga fully vaccinated na turista sa Baguio City.
Ito ang inanunsiyo ng lokal na pamahalaan ng Baguio City,kahit walang ipakitang negatibong resulta ng RT-PCR swab test.
Sa facebook post, naglabas ng abiso ang Baguio Tourism na kinakailangan lamang iprisinta ang COVID-19 vaccination card o certificate bilang alternatibong negative COVID-19 test result.
Bukod dito, kailangan ring magpre-register sa visita.baguio.gov.ph, pagkuha ng QR-coded tourist pass at pagsailalim sa triage pagdating sa Baguio.
Sinabi rin ng Baguio City Government na maaaring bumisita ang mga turista kahit anuman ang edad basta’t ito’y manggagaling sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) at modified GCQ.
Samantala, kailangan pa rin sumunod sa ipinapatupad na minimum health standards sa pagbisita at habang nasa naturang lugar.