Umarangkada na ngayong araw na ito ang unang En Banc session ng mga mahistrado ng Korte Suprema sa Baguio City.
Kabilang sa mga agendang tinalakay ngayong araw ang mga mosyon ng mga respondent sa kontrobersyal na kaso ni Senador Grace Poe.
Bukod sa kaso ni Poe, posible ring matalakay ang apela ng mga petitioner na kumukwestyon sa implementasyon ng K to 12 program ng Department of education (DepEd) at iba pang mga petisyon na nakabinbin sa SC kabilang na ang pagpapalabas ng resulta sa nakalipas na 2015 bar examination.
Matatandaang sa ipinalabas na notice ng Supreme Court, nakasaad dito na ngayong buwan ay sa Baguio City magsasagawa ng court hearing ang mga mahistrado ng kataas-taasang hukuman.
Pagkatapos ng summer session, isang buwan namang walang court session ang mga mahistrado dahil sa magiging abala ang mga ito sa decision writing.
By Meann Tanbio | Bert Mozo (Patrol 3)