Sugatan ang isang sundalo at kasama nito matapos silang tambangan ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa bayan ng Pagalungan, Maguindanao Del Sur.
Kinilala ang sundalong biktima na si Private 1st Class Roberto Dela Cruz Desierto, Jr., nakatalaga sa 92nd Infantry Battalion ng Philippine Army.
Nagtamo ito ng tama ng bala sa leeg habang ang backrider naman nito sa minamanehong motorsiklo na si Eugenio Lamoste Gurang ay nagtamo ng mga sugat sa braso at hita matapos sumemplang ang sinasakyan nilang motorsiklo.
Ayon sa Maguindanao Del Sur Police Provincial Office, nangyari ang insidente habang binabagtas ng mga biktima ang kahabaan ng Cotabato-Davao Highway sakop ng Barangay Galakit.
Samantala mabilis namang tumakas ang mga suspek matapos na makatawag ng pansin sa mga residente ang pangyayari.
Agad na dinala sa pinakamalapit na pagamutan ang mga biktima at nagpapagaling.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek at kung ano ang motibo ng mga ito sa pananambang.