Naputulan ng kanang paa ang isang miyembro ng 57th infantry battalion matapos masabugan ng Improvised Explosive Device o IED habang nagsasagawa ng operasyon sa Brgy. Dasawao, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao.
Kinilala ni Western Mindanao Command o WESTMINCOM Spokesman Major Arvin Encinas ang sugatang sundalo na si Corporal Rex Sadava.
Ayon kay Encinas, itinanim ang IED ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF.
Unang nakasagupa ng mga militar ang BIFF noong nakalipas na Lunes.
Base sa inisyal na ulat, walo ang sugatan sa engkwentro habang hindi pa makumpirma kung ilan ang naging casualty sa naganap na sagupaan.