Tiniyak ng Militar na hindi sila pasisindak at patitinag sa pagtatangka ng mga Komunistang Terorista na wasakin ang kapayapaan ngayong panahon ng kapaskuhan.
Ito ang inihayag ni Army’s 8th Infantry Division Spokesman Capt. Ryan Layug kasunod na rin ng pagkamatay ng isang tauhan ng 46th Infantry Battalion habang nakikipagbakbakan sa NPA nuong bisperas ng Pasko.
Kinilala ni Layug ang nasawing Sundalo na si Cpl. Alvin Bolito na hindi na inabot ang Pasko sa nangyaring bakbakan sa Brgy. Sinalangtan, Calbiga, Samar, hapon nitong Biyernes.
Tumagal ng 15 minuto ang bakbakan sa pagitan ng mga Sundalo at hindi bababa sa 10 rebelde na nagsasagawa ng kanilang extortion activities kasabay ng anibersaryo ng CPP.
Bagama’t mahigpit na nakatutok ang Militar sa mga aktibidad ng mga bandido, umapela naman si Layug na itigil na ang mga pag-atake lalo pa’t abala rin ang Militar sa paghahatid ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Odette.