Patay ang isang sundalong nakipagbakbakan sa grupong Maute sa Marawi matapos na pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang mga kalalakihan sa Pagadian City.
Kinilala ang biktima na si Coporal Rhofel Alvarez Lihay – lihay, miyembro ng 1st Infantry Tabak Division ng Philippine Army sa Labangan, Zamboanga del Norte.
Ayon sa ulat, naglalaro ng bilyar si Lihay-lihay sa kanilang kapitbahay sa Barangay Sta. Maria nang barilin sa ulo at sa iba’t ibang parte ng katawan nito.
Sinasabing nakasakay ng motorsiklo ang mga suspek.
Narekober sa crime scene ang labing isang (11) basyo ng 45 kalibre ng baril at labing tatlong (13) basyo na pinaniniwalaang galing sa 9mm na baril.
Samantala, umapila naman ang pamilya ng sundalo kay Pangulong Rodrigo Duterte ng tulong para sa hustisya ng pagkamatay ng kaanak.
Noong Lunes, Oktubre 23 ay tuluyan nang tinapos ang combat operations sa Marawi, matapos ang limang buwang pakikipagbakbakan sa Maute – ISIS Group.