Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang apat pang indibidwal matapos masunog ang isang residential area sa bahagi ng sa 1789 New Antipolo St., kanto ng Leonor St., Sta. Cruz, Maynila.
Kinilala ang biktima na si Rogelio Esteron, isang Filipino-Taiwanese, 55-anyos na tatlong buwan pa lang na nangungupahan sa lugar habang dalawa naman sa apat na nasugatan ay nakilalang sina Rosalina Perez at Leonardo Pavilar.
Ayon sa mga otoridad, nag ugat ang sunog matapos ang umanoy panununog ng isang lalaking may diperensiya sa pag-iisip na kinilalang si Leonardo Reboses.
Nabatid na nagliyab ang isang lumang three-storey apartment na gawa sa mga light materials kung saan, umabot ng ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naapula ng mga bumbero.
Sa pahayag ng may-ari ng apartment, kakauwi lang ng biktima mula sa kaniyang trabaho ng harangin ng mga residenteng lumilikas pero hindi umano ito nakinig at pinilit na makasok sa kanyang kuwarto para iligtas ang kaniyang mga gamit at dokumento pero hindi na umano ito nakalabas ng buhay.
Aabot sa 180 pamilya ang naapektuhan ng sunog matapos matupok ang aabot sa 30 istruktura sa lugar na tinatayang nagkakahalaga ng P100,000.
Kasalukuyan ngayong nanunuluyan sa Barangay Center ang mga biktima habang ang iba ay nagtungo sa kanilang mga kaanak.
Sa ngayon, patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad ang dahilan ng pagsunog ng suspek na si Reboses. —sa panulat ni Angelica Doctolero