Patay ang isang babae habang dalawa naman ang sugatan sa naganap na sunog sa isang residential area sa barangay Cembo, Makati City kaninang madaling araw.
Batay sa ulat, nasawi ang biktima matapos atakihin sa puso habang naputulan naman ng kamay ang isa sa mga nasugatan.
Nag-umpisa ang sunog dakong alas-3 ng madaling araw at pasado alas-4 ng madaling araw nang ideklara itong fire under control.
Aabot sa sampung pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa insidente.
Patuloy na inaalam ng Bureau of Fire Protection ang sanhi ng sunog.