Lima katao ang nawawala sa sunog na sumiklab sa Arlegui Street, sa Quiapo, Maynila kaninang alas-2:00 ng madaling araw.
Ang nasabing sunog ay umabot sa ikatlong alarma at nadamay ang ilang kabahayan maging ang Barangay Hall ng Barangay 387 at ang daycare center dito.
Ayon kay Lalaine Perito, ina ng 12 anyos na kambal, natutulog ang kanyang mga anak sa bahay ng kanyang ina nang mangyari ang sunog.
Tinangka aniyang sagipin ng kanyang ina ang kambal subalit sumabog na ang isang LPG at nagmula sa ibaba ng bahay ang apoy kaya’t tila na steam ang mga ito.
Bukod sa kambal, nawawala rin ang kapatid ni Perito, asawa ng kanyang kapatid at pinakabatang anak ng mga ito.
Nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang apoy sa lugar dahil dikit-dikit ang mga bahay at pawang gawa sa light materials.
Idineklara namang fire under control ang sunog bandang alas-4:20 at patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente.