(UPDATED)
Nilamon ng apoy ang Bulwagang Rizal Faculty Center ng University of the Philippines (UP) sa Diliman Campus sa Quezon City.
Ayon kay UPD Chancellor Michael Tan, 250 guro ang nag-oopisina sa nasabing center na itinayo noong 1960’s.
Pansamantala anyang mag-oopisina ang mga naapektuhang guro sa Palma Hall Pavilion.
Sinabi ni Tan na nasunog ang mahahalagang research materials ng history, sociology at anthropology classes .
Inihayag naman ni BFP NCR Chief Senior Supt. Crispulo Diaz na posibleng faulty electrical wiring ang dahilan ng nasabing sunog na sinasabing nagsimula sa ikatlong palapag at mabilis na kumalat sa mabababang palapag.
P 3 million
Tinataya naman sa 3 milyong piso ang halaga ng pinsala sa istraktura ng nasunog na faculty center sa UP Diliman Quezon City.
Ayon kay Senior Supt. Jesus Fernandez, District Fire Marshall ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Quezon City, mababa ang ginawa nilang pagtaya dahil luma na ang nasunog na gusali.
Sinabi ni Fernandez na hindi pa kasama sa halaga ng pinsala ang halaga ng mga kagamitang nasa loob ng nasunog na gusali.
Bagamat hindi naman ang buong gusali ang nasunog, ipinagbabawal na ng Bureau of Fire Protection ang pagpasok ng tao sa loob sa posibilidad na gumuho ito.
Pasado ala-1:00 ng madaling araw nang magsimula ang sunog na umabot ng task force alpha at naideklarang under control ganap na alas-4:40 ng madaling araw.
Samantala, aalamin ng BFP kung nagkaroon ng kapabayaan sa pag-rereport ng sunog sa faculty center ng UP Diliman.
Ayon kay Fernandez, tila hindi naging maagap ang pag-rereport na mayroong nagaganap na sunog sa UP Diliman.
Matatandaan na noong June 13, 2015 ng nakaraang taon ay nasunog rin ang Casaa Food Center at Alumni Center noong July 1 ng nakaraan ring taon.
Una rito, naging kontrobersyal ang panggigiit di umano ng pamunuan ng UP Diliman na exempted sa annual inspection ng Bureau of Fire Protection ang lahat ng gusali sa loob ng UP dahil mayroong otonomiya ang unibersidad.
Ito ang dahilan kayat walang safety inspection certificates, electrical inspection certificates at iba pa ang UP na gagamitin sana ng BFP sa kanilang imbestigasyon.
By Judith Larino | Len Aguirre | Jopel Pelenio (Patrol 17)
Photo screengrab from Philippine Collegian/ Twitter account