Binulabog ng sunud-sunod na lindol ang bansa sa mismong araw ng Pasko, Disyembre 25.
Mag-aalas otso ng umaga kahapon, niyanig ng magnitude 6.3 na lindol ang bahagi ng bayan ng Calatagan, lalawigan ng Batangas.
Ayon sa Phivolcs, may lalim na 74 na kilometro ang nasabing lindol mula sa episentro nito at tectonic ang pinagmulan.
Naramdaman ang nasabing pagyanig sa Metro Manila at ilan pang lalawigan sa Southern Tagalog Region na umabot pa ng pangasinan at sinundan din ito ng maraming aftershocks.
Dalawang oras matapos nito, niyanig din ng magnitude 5.3 na lindol ang Saranggani, Davao Occidental.
May lalim na 111 kilometro ang nasabing pagyanig at tectonic din ang pinagmulan.
Naramdaman ang pagyanig sa bayan ng Alabel at Kiamba sa Saranggani, Koronadal City at General Santos City.
Pasado alas-4:30 naman ng hapon kahapon, niyanig ng magnitude 4.3 na lindol ang bayan ng lubang sa Occidental Mindoro.
May lalim naman itong apat na kilometro mula sa episentro at tectonic din ang pinagmula nito.
Naramdaman ang nasabing lindol sa Calatagan, Batangas na una nang niyanig ng malakas na pagyanig.