Ikinabahala ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagtaas ng bilang ng mga abogadong namamatay sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jackie De Guia, posible aniyang magkaroon ng tolerance ang nangyayari na magreresulta naman sa anarkiya o paglalagay ng batas sa sariling mga kamay.
Nabatid na pumalo na sa 61 ang naitalang mga insidente ng pagpatay sa mga abogado at hukom sa bansa sa ilalim ng administrasyong Duterte na mas mataas pa kumpara sa nakalipas na mga administrasyon.
Nakalulungkot ani De Guia na nadaragdagan pa ang mga sektor na nagiging biktima ng karahasan kung saan, maging ang Korte Suprema ay nakikiisa na sa pagkondena nito.
Dahil diyan, sinabi ni De Guia na dapat madaliin na ng Philippine National Police (PNP) ang paglalagay ng mga body camera sa kanilang mga tauhan upang mapatunayan na may transparency sa kanilang mga operasyon.