Masisilayan na mamayang gabi ang inaabangang pambihirang pangyayari sa buwan na tinatawag na ‘Super Blue Blood Moon’.
Paliwanag ng meteorologist ng PAGASA, ‘Supermoon’ ang tawag sa buwan kapag pinakamalapit ito sa mundo habang ‘Blue Moon’ naman ang tawag sa ikalawang ‘Full Moon’ na nangyayari sa loob ng isang buwan.
Nauna nang nagka-full moon noong Enero 1 na inaasahang mauulit bukas.
At, sa pambihirang pagkataon, sasabay ang “Super Blue Moon” sa isang total lunar eclipse, na tinatawag ding “Blood Moon” dahil tila nagkukulay pula ang buwan.
Masisilayan ang Super Blue Blood Moon simula 6:45 ng gabi habang ang peak nito ay mangyayari sa ganap na 9:29 ng gabi at magwawakas pagsapit ng 12:09 ng madaling araw bukas.