Viral ngayon sa social media ang mga litrato ng isang lalaking pumasok sa isang sikat na fast food restaurant sa Marikina. Madumi ang suot nitong damit at mahahalata sa mukha nito ang nararamdamang gutom at uhaw.
Nagtungo ito sa counter upang humingi ng dalawang baso ng tubig. Ngunit nang lapitan siya ng supervisor, isang hindi inaasahang tagpo ang umantig sa puso ng mga customer at maging ng mga netizen.
Ayon sa isang nakasaksing customer, tinanong ng supervisor na si Khel ang lalaki kung kumain na ba ito.
Matapos sumagot, laking gulat ng lalaki nang bigla siyang abutan ng supervisor ng dalawang pritong manok at kanin.
Minabuti naman ng isang customer na kunan ng litrato ang pangyayari upang ibahagi ang nakatutuwang kwento sa social media.
Aniya, tila naging masaya ang gabi ng lalaki dahil sa ipinakita sa kanyang kabutihan.
Hindi maikakailang malaki ang epekto ng pagmamalasakit sa buhay ng kapwa natin. Maging inspirasyon sana ang kwentong ito sa lahat na ipagpatuloy ang pagiging mabuti, sapagkat ito ang isa sa mga pinakamahalagang katangian ng pagiging tunay na tao.