Muling tiniyak ng Sugar Regulatory Administration o SRA na nananatiling matatag ang suplay ng asukal sa bansa.
Ito’y matapos makatanggap sila ng ulat hinggil sa pagsipa ng presyo ng asukal sa mga pamilihan nitong Semana Santa.
Ayon kay SRA Administrator Regina Martin, pansamantala lamang ang naging pagtaas sa presyo ng asukal noon dahil sa lumakas ang demand nito.
Inamin ni Martin na pumalo sa P57 hanggang P58 ang kada kilo ng asukal ngunit agad itong nanumbalik sa P55 kada kilo.
Binigyang diin pa ni Martin, bagama’t inaasahan na nilang magiging mababa ang produksyon ng asukal sa bansa bunsod ng El Niño, may mga programa naman silang nakalatag upang mapanatiling matatag ang suplay gayundin ang presyo ng asukal.
Import
Handa ang SRA na muling mag-angkat ng asukal sa ibang bansa.
Ito’y para patatagin ang suplay ng asukal sa bansa mula sa kalahatian hanggang sa pagtatapos ng taon.
Ayon kay SRA Administrator Regina Martin, aabot sa 1.94 na milyong metriko toneladang raw sugar ang na-prodyus hanggang sa buwan ng Marso.
Hinihintay na lamang ang iba pang magsasaka na mag-ani gayundin ang milling operation ng mga sugar millers.
Batay sa pagtaya ng SRA, papalo sa 2.14 na milyong metriko toneladang asukal ang maaring ma-prodyus ng bansa ngayong taon.
By Jaymark Dagala | Monchet Laraño