Plano ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na magdagdag ng aangkating asukal sanhi ng posibleng kakapusan ng supply bunsod ng nararanasang El Niño o tagtuyot.
Ayon kay SRA Administrator Ma. Regina Bautista-Martin, sinusuri nila ang sitwasyon at inaalam ang magiging opsyon para matugunan ang posibleng kakapusan ng supply ng asukal sa bansa matapos makatanggap ng ulat mula sa mga magsasaka ng tubo at mga sugar millers na bumababa ang produksyon ng asukal.
Ang produksyon ng tubo ay bumaba sa 41.81 percent mula noong Enero hanggang Setyembre ng nakalipas na taon.
Partikular na apektado ng produksyon ng asukal ay ang Visayas kabilang na ang pagbaba ng naaning tubo na para sa Centrifugal Sugar Production sa naturang lalawigan.
Kaugnay nito, sinabi ni Amartin na maaaring makapag-angkat ang mga trader ng 1.25 metriko tonelada sa kada isang metriko tonelada na i-eexport ng bansa.
Ipinaliwanag ng opisyal na ang planong madagdagan ang aangkating asukal ay makatutulong na makapag-imbak ng sapat na supply, habang ang mga local exporter at traders ay sisikapin na matugunan ang commitment ng Pilipinas na makapag-export ng asukal sa Estados Unidos sa ilalim ng tariff quota scheme.
By Meann Tanbio | Monchet Laranio