Umaaray na ang mga nagtitinda ng karneng baboy sa mga palengke sa Metro Manila dahil sa hindi maawat na pagtaas ng presyo nito.
Batay sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), naglalaro sa P300 hanggang P310 ang kada kilo ng liempo habang nasa 270 hanggang 280 naman ang pork kasim sa Nepa Q-Mart sa Quezon City.
Sa mga palengke naman ng Pasay, San Andres sa Maynila at Commonwealth sa Quezon City, naglalaro naman sa P280 hanggang P290 o halos P300 na ang presyo ng kada kilo ng karne ng baboy.
Habang sa Guadalupe Market sa Makati City, lagpas na sa P300 mabibili ang kada kilo ng karne ng baboy na nasa P330.
Sigaw ng mga nagtitinda ng baboy, wala na halos silang makuhang suplay ng karne ng baboy matapos manalasa ang african swine fever (ASF) sa bansa nitong nakalipas na mga buwan.
Dahil dito, sinabi Agriculture Spokesman at Asec. Noel Reyes na nakikipag-ugnayan na sila sa mga Regional D.A. Offices sa Visayas at Mindanao upang makapagpadala ng suplay sa Luzon na lubhang kinakapos dahil sa epekto ng ASF.