Tiniyak ng Department of Trade and Industry na sapat ang suplay ng mga pangunahing produkto sa kabila ng epekto ng Bagyong Paeng.
Ayon sa DTI, nakikipagtulungan na sila sa Philippine Chamber of Food Manufacturers upang masiguro na patuloy na nasusuportahan ang suplay ng basic necessities at prime commodities.
Muli namang pina-alalahanan ni DTI Secretary Alfredo Pascual ang mga negosyante na tumalima sa price freeze sa basic necessities sa mga lugar na nasa ilalim ng State of Calamity.
Sa ilalim ng Price Act, otomatikong hindi gagalaw ang presyo ng mga bilihin sa mga lugar na nasa State of Calamity maliban na lamang kung aalisin ito ng Pangulo.
Kahapon ay isinailalim na ni Pangulong Bongbong Marcos sa State of Calamity sa bisa ng Proclamation 84 ang CALABARZON, Bicol, Western Visayas at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.