Posibleng iniipit ng mga rice trader ang suplay ng bigas kaya’t hindi pa bumababa ng husto ang presyo ng bigas sa merkado sa kabila ng napakamurang presyo ng palay.
Ayon kay Senador Francis Pangilinan, maaaring may nagsasamantala sa sitwasyon at naghihintay ng tyempo bago ilabas sa merkado ang kanilang imbak na bigas.
Dahil dito, hinikayat ni Pangilinan ang Department of Agriculture (DA) at ang Philippine Competition Commission (PCC) na silipin ang ganitong posibilidad.
Samantala, sinabi ni Pangilinan na kung tutuusin, dapat ay 10% lamang ng kailangang bigas ng bansa ang inaangkat.
Ito anya ay kung ibabase sa dati pang naging pahayag ng DA na nasa 90% nang supisyente ang sariling ani sa bansa.
Ayon kay Pangilinan, kung nasa 12 million metric tons ang konsumo ng bansa sa isang taon, dapat ay nasa mahigit 1 milyong metriko tonelada lamang ang inaangkat ng bansa.