Tiniyak ng Department of Health (DOH) na sapat ang suplay ng test kits para masuri ang mga suspected o hinihinalang nahawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa kasalukuyan nagkakaroon lamang ng problema sa logistics ng iba pang kinakailangang gamit ng mga laboratoryo para sa pagproseso ng tests.
Sinabi ni Vergeire, ito aniya ay ang reagents o chemical mixture na ginagamit kasama ng mga tesk kits para maproseso ang mga samples.
Paliwanag ni Vergeire, nahihirapan ang pamahalaan na makakuha ng mga reagents dahil sa mataas na demand para rito sa buong mundo.
Pinabulaanan din ni Vergeire ang mga epekulasyong nililimitahan ng pamahalaan ang pagbili ng mga test kits dahil sa pagtitipid ng pondo para mailaan naman sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19 sakaling magkaroon na nito.