Nananatiling sapat ang suplay ng harina ngayong taon.
Ito ang binigyang-diin ng Philippine Association of Flour Millers (PAFMIL) taliwas sa mga ulat na nagkakaroon ng kakulangan ng harina sa bansa.
Ngunit sinabi ng PAFMIL na asahan na patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga tinapay dahil sa hindi maawat na pagmahal ng harina sa gitna ng lumolobong presyo ng wheat o trigo sa international market.
Dagdag pa ni PAFMIL executive director Ric Pinca na ang nakikita nilang dahilan sa pagtaas ng presyo ng trigo sa ilang bansa na pangunahing wheat exporter ay ang hindi pa natatapos na giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia , export ban ng India at tagtuyot sa Amerika.
Samantala, ipinabatid pa ng PAFMIL na nahaharap na ang mundo sa ‘food crisis’ at kahit maraming supply ng wheat ay mahigit kalahati naman nito ang hindi pa na-e-export.