Sapat pa rin ang suplay ng highland vegetables sa kabila ng pinsalang natamo sa agrikultura dahil sa malakas na pag-ulan bunsod ng Southwest Monsoon o Habagat sa Ifugao.
Ito ang tiniyak ng Department of Agriculture sa Cordillera Administrative Region (CAR) matapos na magsagawa ng damage assessment sa agri-fishery sector.
Siniguro naman ng kagawaran sa mga naapektuhang magsasaka na mamamahag ito ng tulong tulad ng bigas, mais at sari-saring buto ng gulay, mga alagang hayop at manok maging mga gamot.
Bukod dito, inihahanda rin ng DA ang pagbibigay ng financial assistance sa ilalim ng Survival and Recovery program ng Agricultural Credit Policy Council, bayad-pinsala mula sa pondo ng Philippine Crop Insurance Corporation at cash support mula sa quick response fund para sa rehabilitasyon ng mga naapektuhang lugar.
Nabatid na umabot na sa 14.6 million pesos ang agricultural damage sa Ifugao na naitala ng naturang kagawaran.