Nanganganib na sumikip ang suplay ng imported na bigas sa susunod na taon.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, batay sa pagtaya ng mga eksperto, magkakasikipan ang suplay dahil sa plano ng China na mag-import ng limang porsyento ng kanilang pangangailangan na labing anim (16) milyong metriko tonelada.
Dahil dito, hinikayat ni Piñol ang mga magsasaka na sikaping taasan ang kanilang produksyon upang mabawasan ang pangangailangan ng bansa sa imported rice.
Mula aniya sa kasalukuyang 92 percent rice sufficient target nilang maitaas sa 96 percent ang rice sufficiency ng bansa sa susunod na taon.
—-
Quantitative Restrictions
Samantala, pinawi ng DA ang pangambang bumaha ng imported na bigas sa bansa sa sandaling matanggal ang quantitative restrictions sa pag-angkat ng bigas.
Ayon kay Piñol, mananatili namang limitado naman sa halos isang milyong metric tons ang puwedeng paghati-hatian ng mga bansang gustong umangkat ng bigas.
Maliban dito, iminumungkahi rin aniya nila na itaas sa limampung (50) porsyento mula sa kasalukuyang 35 percent ang taripa para sa imported rice.
Sa ngayon aniya ay mataas ang presyong bigas sa world market.
Ito ang dahilan kaya’t natalo sa bidding ang National Food Authority o NFA.
Gayunman, dahil aniya dito ay makatitiyak ang mga magsasaka ng palay na hindi babaha ng imported rice sa pamilihan.