Nababahala ang ilang grupo ng Egg Producers na posibleng kulangin ang suplay ng itlog sa Disyembre o pagsapit ng Enero ng susunod na taon.
Ayon kay Egg Council of the Philippines Chairman Nicanor Briones, kahit labis ang supply ng itlog sa bansa ngayon ay nalulugi na sila dahil sa halos dobleng pagtaas ng presyo ng patuka o feed inputs gaya ng soya, mais, at coconut oil.
Dahil dito, kinakatay na lamang ng ilang egg producers ang kanilang mga manok na posibleng magdulot ng kakapusan sa suplay ng itlog at pagtaas ng presyo nito.
Sinabi naman ng Philippine Egg Board Association na marami na rin ang mga nagbabawas ng paitluging manok.
Sa ngayon, tumaas nang hanggang singkwenta sentimos ang presyo ng kada piraso ng itlog, depende sa sukat nito.
Sinabi naman ng Bureau of Animal Industry (BAI) na nakikipag-ugnayan na sila sa ibang mga bansa para sa supply ng soya at pinag-aaralan na rin ang pagbawas sa taripa sa imported na mais.
Inaalam na rin ng BAI kung mayroong mga namamantala sa presyo ng itlog. —sa panulat ni Hya Ludivico