Muling tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na may sapat na suplay ng manok, karne at processed meat sa panahon ng Kapaskuhan sa kabila ng pananalasa ng bagyong Lando ang gitnang Luzon at hilagang Luzon.
Ayon kay Agriculture Secretary Proceso Alcala, hindi naman labis na naapektuhan ng bagyong Lando ang livestock sector bagamat ang nasalanta ay ang Pangasinan, Ilocos Sur, La Union sa Region 1; Bulacan at Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Bataan sa Region 3.
Kung ikukumpara aniya sa bagyong Glenda noong Hulyo ng nakalipas na taon, maraming hayop ang nasalanta kung kaya’t nagkaroon dati ng kakapusan sa supply at tumaas din ang presyo ng manok at karne.
Ipinabatid ni Alcala na nakikipag-ugnayan sila sa mga meat processor at tiniyak nito na may sapat na supply ng ham para sa Kapaskuhan.
Dahil dito, pinaalalahanan ng kalihim ang mga tindero sa mga pamilihan na walang dahilan para magtaas ng presyo ng manok at baboy habang nalalapit ang Kapaskuhan.
By Meann Tanbio | Monchet Laranio