Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat ang supply ng kuryente sa May 13 midterm elections sa gitna ng nararanasang El Niño phenomenon.
Ayon kay DOE Electric Power Industry Management Bureau Director Mario Marasigan, asahan na ang maayos na electricity supply sa Luzon, Visayas at Mindanao sa mismong araw ng halalan lalo’t kailangan ang kuryente sa automated voting system.
Wala naman aniyang commercial at industrial operations sa araw ng eleksyon kaya’t asahang mapupunan ang demand sa kuryente.
Sa ngayon ay sumasailalim na sa test ang mga bagong power generation facility upang mapataas ang energy supply sa bansa.
Inaasahang aabot sa 11,400 megawatts ang demand peak sa kuryente isang linggo matapos ang halalan.