Tiniyak ng DTI o Department of Trade and Industry na sapat ang suplay ng manok at itlog sa mga pamilihan.
Sa katunayan, sinabi ni DTI Undersecretary Ted Pascua na nakapagtala pa sila ng pagbaba ng presyo ng manok sa ilang pamilihan.
Sa kabila ito ng pagbabawal muna ng Department of Agriculture na makapagbiyahe ng manok palabas ng bayan ng San Luis sa Pampanga kung saan naitala ang outbreak ng bird flu.
Ayon kay Pascua, patuloy ang ginagawa nilang paglilibot sa mga pamilihan upang matiyak na matatag ang presyo at suplay hindi lamang ng manok sa panahong ito kundi ng iba pang produkto.
“Minsan talaga it’s a matter of sourcing lang eh, kung hindi natin kukunin dito sa Pampanga ang kapalit niyan ay kung saan puwedeng kunin ang produkto, kaya sinusubaybayan natin kawawa naman ang naapektuhan dahil isang lugar lang yan na naapektuhan eh, hindi naman apektado buong probinsiya ng Pampanga.” Pahayag ni Pascua
Kaninang umaga ay nilibot ng DTI team ang Nepa Q-Mart, Farmers Market, SM Hypermarket sa Cubao at Puregold Cubao.
Halos P15 pesos ang napuna ng DTI na ibinaba ng presyo ng kada kilo ng isang buong manok o mula P150 piso ay 135 pesos na lamang ngayon samantalang ang choice cuts ay bumaba mula 160 pesos ay 150 pesos na lamang ngayon.
Ayon kay Pascua, nagmula sa Bataan at Bulacan ang ibinebentang manok sa Nepa Q-Mart at hindi sa Pampanga.
By Len Aguirre | Ratsada Balita Interview | may ulat ni Jonathan Andal