Kinakapos na rin ng suplay ng NFA rice ang Central Luzon.
Kinumpirma ito ni Magalang Pampanga Councilor Robin Miranda na siya ring Pangulo ng NFA Rice Retailers Association of Central Luzon.
Ayon kay Miranda, ang kakapusan ng NFA rice ay posibleng bunga ng sunod-sunod na kalamidad at krisis sa Visayas at Mindanao kung saan libo-libo ang evacuees na kailangang suportahan ng pagkain ng pamahalaan.
Sinabi ni Miranda na bagamat halos walang mabiling NFA rice sa maraming lugar sa bansa, sapat naman aniya ang commercial rice sa mga pamilihan bagamat may kamahalan ito kumpara sa NFA rice.
Nasa dalawampu’t pitong piso (P27) lamang ang kada kilo ng NFA rice samantalang trenta’y otso pesos (P38) ang pinakamababang presyo ng kada kilo ng commercial rice.
(Ulat ni Diony Gole)