Nananatiling sapat ang suplay ng pagkain sa bansa tulad ng bigas hanggang sa sumapit ang buwan ng Hunyo.
Ito ang pagtitiyak ng Department of Agriculture (DA) sa gitna ng umiiral na pandemya ng 2019 coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa virtual presser ng Task Force COVID on food security, inihayag ni Agriculture Secretary William Dar, kakayanin ng Pilipinas na paabutin ng 84 na araw ang stocks nito ng bigas.
Sapat din aniya para sa 111 araw ang suplay ng manok, 12 araw para sa isda at 8 araw naman para sa baboy.
Gayundin naman aniya para sa suplay ng mais na kayang tumagal ng 147 araw, 28 araw para sa gulay at 21 araw para naman sa bawang at sibuyas.
Maliban sa pagtitiyak na may sapat na pagkain ang bansa sa panahon ng pandemya, sinabi ng kalihim na magkakaloob din sila ng sapat na ayuda para sa pagpapalakas ng local food production.
Sa ilalim ng umiiral na social amelioration program ng gobyerno, sinabi ni Dar na mamamahagi ang kagawaran ng P5,000 cash subsidy para sa 6,000 magsasaka ng palay para makatulong sa kanilang pangangailangan.
Aabot na rin aniya sa mahigit 234,000 magsasaka o 40% target beneficiaries ang handa nang tumanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.