Binawasan ng National Water Resources Board (NWRB) ang suplay ng tubig para sa irigasyon sa mga palayan sa Bulacan.
Ito ay upang hindi magkulang ang ibinibigay na alokasyon ng tubig sa ka-Maynilaan lalo’t hindi pa anila nadadagdagan ang tubig sa Angat Dam dahil sa kawalan ng ulan.
Ayon sa NWRB, mula sa 43 cubic meters per second kada araw noong Enero hanggang Marso, ibinaba na nila sa 10 cubic meters per second ang ibinibigay na suplay sa mga magsasaka sa ngayon.
Tiniyak naman ng PAGASA na mapapanatili nila ang ibinibigay na suplay ng tubig sa mga kabahayan sa ka-Maynilaan at ang adjusted allocation para sa mga magsasaka sa buong panahon ng tag-init.
Inaasahan na rin ng PAGASA na makararanas na ng ulan sa kalagitnaan ng Mayo.
Sa ngayon nasa 181.63m na ang lebel ng tubig sa Angat Dam, mababa ng halos anim na metro (6m) mula sa safe o ideal level nito na 187.20meters.